OREO MARSHMALLOW PUFFS

“MASARAP ITO, MURA PA.”

Hindi talaga ako mahilig sa oreo, ‘di katulad ng kapatid ko na si Lance na kayang makaubos ng isang pakete sa loob lamang ng ilang minuto. Paminsan nga tinatago niya pa sakin yung oreo para lang makain niya lahat nang yun. Hahaha. Pero, hindi naman yun ang gusto kong ipahayag sainyo.

Yung pangalan na ‘Oreo Marshmallow Puffs’ ay gawa-gawa ko lang, maganda at masarap kasi pakinggan. Wag mag-alala! MASARAP ITO, MURA PA.

Nung una kong natikman yung oreo marshmallow puffs, BM Bazaar ng mga seniors sa school namin noon. Naglalakad-lakad lang si kuya M sa mga hallway, habang kami namang magkakaibigan nakatambay lang. Sumisigaw siya ng “Oreo baaaallsss!” Eh itong mga kaibigan ko, napakahilig sa oreo, ayun nag-unahan silang lahat papunta kay kuya. Laking tuwa naman ni kuya kasi may bumili sakanya.

Nung unang kita namin, nagsi-lawayan na agad kami. Oreo siya na may halong marshmallow, na pinahiran pa ng milk powder kaya nagmukhang cookies and cream. Mura rin naman ang benta samin, 20 pesos para sa 3 oreo balls. SULIIIIT! Masarap eh. 

Hindi ako sigurado kung saan o kanino nanggaling ang ideya na ito, pero ako’y nagpapasalamat sa kanya. Napakatalino ng kanyang ginawa, ang sarap, katataman lang ang tamis at napaka swak pa sa badyet!

Hindi lang ito para sa mga bata, pati na rin mga dalaga, binata, at matatanda magugustuhan ito! Pwede siyang dalhin bilang food-to-share sa mga Christmas party na darating ngayong panahon ng pasko.

Sana’y matuwa at masarapan kayo sa resipe na ito, gawin ito kasama ng inyong mga anak o kapatid, siguradong maaaliw sila! ❤

OREO MARSHMALLOW PUFFS

Mga Kagamitan: 

  • Oreo – 1 pakete (12 na piraso)
  • Marshmallow – 2 pakete
  • Butter – 1/8 stick
  • Powdered Milk – 1 pakete

Iba pang kakailanganin: 

  • Cling Wrap
  • Gunting
  • Plastic (mas maganda kung zip-lock)
  • Rektanggulong lalagyan
  • Pampuk-pok (kahit anong mayroon)
  • Kawali

Metodo:

  1. Ipaghiwalang ang palaman at ang tinapay ng oreo. Ilagay ito sa magkaibang mangkok o kahit anong lalagyan.
  2. Ilagay ang mga tinapay ng oreo sa plastic at iselyo. Puk-pokin ito hanggang maging mala-buhangin na ang tinapay.
  3. Buksan ang kalan at ipatong ang kawali, ilagay ang butter, marshmallows, at ang palaman ng oreo. Magtira ng kaunting oreo para mamaya. Ihalo lang ito ng ihalo hanggang matunaw.
  4. Pag natunaw na, ilagay ang mga katingting ng oreo sa kawali at ihalo ito. Patayin ang kalan.
  5. Maglatag ng cling wrap sa rektanggulong lalagyan. Isalin ang ginawang oreo-marshmallow at ikalat ito gamit ang kutsara.
  6. Ilagay ito sa pridyeder at maghintay ng 10 -20 na minuto.
  7. Habang naghihintay, kunin ang milk powder at ihalo ito sa natirang katingting ng oreo.
  8. Pag lumamig na ang oreo-marshmallow, gupitin ito sa maliliit na kuwadrado.
  9. Pagkatapos gupitin ay irolyo ito na parang sigarilyo at ilublob sa milk powder na may oreo.
  10. Ulitin lamang ang pang-siyam na hakbang hanggang maubos ang mga oreo-marshmallow.

Chibugan na!